Tuesday, March 10, 2009

minsan sa may Kalayaan...

Taong 2000, nung una akong umapak sa Unibersidad ng Pilipinas. Galing sa napakalayong probinsiya ng Surigao del Sur, bitbit ko ang isang napakalaging bag na naglalaman ng lahat ng mga gamit at gagamitin ko sa aking pamamalagi sa UP. Ang sabi nila, maswerte daw ako at nakapasa ako sa UPCAT, at sa Diliman pa. Magkahalong eksaytment at kaba ang naramdaman ko noon. Biruin mo, first time kong mahiwalay sa mga magulang ko at wala pa akong kamag-anak sa Maynila.

Buti na lang sa Kalayaan Residence Hall ako nakatira, at ito na rin ang naging unang tahanan ko sa UP. Dito ko nakilala ang mga taong kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Dito kami natutong mangarap at natuto ring maghirap para sa mga pangarap na yun. Iba't iba kami ng pinanggalingang probinsiya, iba't iba rin ang kurso, pero pinagsama kami ng aming mga pangarap - sana ay makagraduate mula sa premyadong Unibersidad ng Pilipinas. Kaya nga relate na relate ako sa kanta ng E-heads na Minsan.


Minsan - Eraserheads

minsan sa may kalayaan tayo'y nagkatagpuan
may mga sariling gimik at kaya-kanyang hangad sa buhay
sa ilalim ng iisang bubong
mga sekretong ibinubulong
kahit na anong mangyari
kahit na saan ka man patungo
chorus
ngunit ngayon kay bilis maglaho ng kahapon
sana'y huwag kalimutan ang ating mga pinagsamahan
at kung sakaling gipitin ay laging iisipin
na minsan tayo ay naging
tunay na magkaibigan

minsan ay parang wala nang bukas sa buhay natin
inuman sa magdamag na para bang tayo'y mauubusan
sa ilalim ng bilog na buwan
mga tiyan nati'y walang laman
ngunit kahit na walang pera
ang bawat gabi'y anong saya

repeat chorus
minsan ay hindi ko na alam ang nangyayari
kahit na anong gawin
lahat ng bagay ay merong hangganan
dahil ngayon tayo ay nilimot ng kahapon
di na mapipilitang buhayin ang ating pinagsamahan
ngunit kung sakaling mapadaan baka
ikaw ay aking tawagan
dahil minsan tayo ay naging
tunay na magkaibigan


At nung kinakanta ito ng E-heads nung Final Set Concert, bumalik sa aking alaala ang mga araw na yun sa Kalay. Ang pagmemeryenda ng pancit canton at banana cue. Ang pagkukwentuhan ng ghost stories sa gabi kaya sama-sama kaming natulog sa isang kwarto kasi tinakot namin ang mga sarili namin sa mga kwento. Ang mga iyakan blues dahil namimiss namin ang mga pamilya namin. Ang amoy ng kape dahil nagpupuyat para sa finals. Ang kwentuhan sa mess hall at pangchaka sa pagkain ng Somos. Ang libreng freshman concert kung saan ko unang nakitang tumugtog ang Parokya ni Edgar at siyempre ang Eraserheads. At dahil hindi kami umabot sa curfew, tumambay na lang kami sa may Procurement Service at pinatawag pa sa office ni Ma'am Alma. Pero okay lang, sulit na sulit naman ang panonood namin sa concert na yun.

Haay, kay bilis nga lang maglaho ng kahapon. May kanya-kanya na kaming mga buhay. May mga natupad na ring mga pangarap, at may mga bagong pangarap na pilit tinutupad. Pero ang sarap pa rin balik-balikan ng mga alaala.

Salamat Eraserheads dahil sa paggawa niyo ng mga magandang kanta na nakakapagpabalik ng mga ganitong alaala. Salamat dahil hindi kayo nagpadala sa mga pagsubok na kinaharap niyo noon. Nakakalungkot dahil totoo nga ang kasabihan na "Some good things never last!". Pero sapat na nga siguro ang mahigit na isang dekadang magkasama at magkajam kayo sa pagbuo ng musika. Higit sa lahat, maraming salamat sa pagbahagi niyo ng musikang ito sa mga tagahangang tulad ko.

Salamat at Paalam Eraserheads!

No comments: